Ay, meron pa palang ganito? Akala ko naglaho na ito kasama ng ibang mga Friendster bugs.
Ano na nga ba ang mga kwento ni Sheenah? Sa totoo lang sa sobrang dami, nakakatamad nang ikwento. Nakakabadtrip lang kasi dahil ayoko nang ulit-ulitin pa lahat lahat ng mga nangyari sa akin, kasama na don ang pagiging matalino ko sa pagsakay ng bus.
Oo, tama. Nakakasakay na ako ng bus. Dati, tako akong sumakay ng bus. Kasi ang laki-laki. Kasi hindi ko alam kung "para" ba ang sinasabi pag bababa, kasi hindi ka pa nakakahanap ng upuan, umaandar na. Tanda ko nang sumakay kami ng ate ko sa bus. Biglang pumreno. Tumaob ako. Naawa naman ako sa sarili ko kaya simula noon, takot na akong sumakay ng bus.
Pero ngayon iba na. *Darth Vader Imperial March* MARUNONG NA AKONG SUMAKAY NG BUS! Ang galing galing kong mag-balance pag umaandar na tapos nakatayo pa ako. Tapos feeling pro pa ako na magpapatugtog nang malakas sa aking mp3 player habang nakasuksok ang aking earphones, sabay tanong ni Manong kung saan ako. Sabay bigay ng resibo. At After 10 minutes, babalikan n’ya ako para kunin ang aking bayad. Kahit walang sinasabi, inabot ko ang bayad ko.
Akala ko naman ay walang memory gap si Manong kaya akala ko tinatanong n’ya kung may barya ba ako sa 100 na ibinayad ko. Dahil malakas ang mp3 player ko, sinigaw ko nalang na WALA!!! Yun pala, ang tinatanong n’ya ay kung saan nga ba ulit ako pupunta. Ay!
Ang pinaka-ayaw kong bahagi ng aking biyahe sa bus ay ang pagbaba. Kasi kung hindi lumalampas ay napapaaga ang aking pagbaba. Hindi ko makuhang eksakto kasi siguro since malaki ang timbang ng bus, malaki din ang kanyang inertia.
Dati, kasabay ko ang kaklase ko pauwi at naisip namin na mag-bus nalang. Nataon na ang sinakyan namin ay ang brand new Higer bus ng Green Star. Astig sa loob! Ang luwag! Para kang nasa eropano. Ang bango, ang tahimik ng makina, bago pa lahat ng upuan. Noong oras na iyon, ayoko nang bumaba. Pakiramdam ko nasa ibang dimension ako. Pero sadyang nakakainis ang tadhana dahil malapit lang ang bahay namin. Bumaba na ako. Pero may hangover ako ng aking biyahe.
Sa ikalawang beses kong nakasakay sa Higer bus na ‘yon, talagang dinama ko bawat minuto ng aking pag-upo. Ang ganda ganda talaga sa loob ng bus, tapos nakaka-gaan ng loob. Kaya’t sa tuwing makakasalubong ko ang bus na iyon, gusto ko habulin para sumakay. Kahit opposite directions kami.
Nakasakay narin ako sa bus mag-isa papuntang Makati. Hindi ko mabilang kung ilang beses ko kinulit yung Kundoktor kung saan ang Ayala. Pati katabi ko na matakaw sa mani, kinausap ko narin. Mukha namang hindi miyembro ng Budul-Budol eh.
Basta pakiramdam ko ako na ang reyna ng pagsakay ng bus. Ang galing galing ko talaga sumakay ng bus. Bukas, sana maabutan ko ang Higer bus na ‘yon, para iyon na ang maghahatid sa akin pauwi.